
Isipin mong may kakilala kang malusog at aktibo, pero biglang natakot nang malaman niyang siya ay may HIV. Totoo bang wala na siyang magagawa? O baka naman may maling paniniwala tayong dapat itama?
Sa Pilipinas, patuloy na tumataas ang bilang ng mga kaso ng HIV, partikular sa hanay ng kabataan. Noong 2024, iniulat ng Department of Health (DOH) na 47% ng mga bagong kaso ng HIV ay mula sa mga kabataang may edad 15 hanggang 24 (Department of Health, 2025). Ang pagtaas na ito ay maiuugnay sa kakulangan ng tamang edukasyon ukol sa HIV, limitadong access sa preventive measures, at ang patuloy na stigma na pumipigil sa mga kabataan na magpasuri at humingi ng tulong medikal (UNAIDS, 2019).
Upang maiwasan ang paglaganap ng HIV, mahalagang itaguyod ang tamang impormasyon at edukasyon sa mga para sa lahat ng mga Pilipino. Kung kaya, narito ang limang karaniwang maling paniniwala tungkol sa HIV at ang katotohanan sa likod ng mga ito:
Myth 1: “Ang HIV at AIDS ay pareho lamang.”

Magkaiba ang HIV at AIDS. Ang HIV (human immunodeficiency virus) ay isang virus na sumisira sa immune system, habang ang AIDS (acquired immunodeficiency syndrome) ay ang malalang yugto ng impeksyon kung hindi ito maagapan. Sa pamamagitan ng maagang paggamot, maaaring hindi umabot sa AIDS ang isang taong may HIV (WHO, 2023). Ang HIV ay maaaring matukoy sa pamamagitan ng blood test, tulad ng HIV antibody test at antigen/antibody test. Pinakamainam na magpasuri kung may mataas na panganib o kung may huling hindi protektadong pakikipagtalik sa loob ng 3 buwan.
Myth 2: “Mahahawa ka sa simpleng pakikisalamuha sa taong may HIV.”

Hindi naipapasa ang HIV sa yakap, pakikipagkamay, paghalik, pagbahing, o paggamit ng ginamit na kubyertos ng taong may HIV. Ayon sa WHO (2023), hindi rin ito naililipat sa luha, pawis, laway, o ihi, maliban kung may kasamang dugo at pumasok sa sugat o mucous membranes. Ang HIV ay naipapasa lamang sa unprotected sex, paggamit ng kontaminadong karayom, at mula sa ina sa anak sa pagbubuntis o pagpapasuso (Kaplan, 2024).
Myth 3: “Ang HIV ay sakit lang ng LGBTQIA+ community.”

Batay sa datos, maraming heterosexual individuals ang naaapektuhan ng HIV sa buong mundo (UNAIDS, 2023). Habang sa Pilipinas naman, batay sa DOH, mahigit 30% ng mga bagong kaso ng HIV ay mula sa heterosexual individuals (2024). Kung kaya, kahit sino ay maaaring magkaroon ng HIV, anuman ang kasarian, edad, relihiyon, o pamumuhay. Mahalagang alisin ang maling paniniwala na ito upang matiyak na lahat ay may access sa tamang impormasyon at proteksyon laban sa sakit.
Myth 4: “Ang HIV ay sentensiya ng Kamatayan.”

Hindi na ito hatol ng kamatayan. Salamat sa antiretroviral therapy (ART), maaaring mamuhay nang normal at malusog ang mga may HIV. Ayon sa NIH, ang mga taong may HIV na regular na umiinom ng ART ay may normal o halos normal na haba ng buhay. Pinipigilan ng ART ang pagdami ng virus sa katawan, kaya maaaring hindi na rin ito maipasa sa iba (2023).
Myth 5: “Walang paraan para maiwasan ang HIV.”

Mayroong epektibong paraan upang maprotektahan ang sarili laban sa HIV, kabilang ang paggamit ng condom, pre-exposure prophylaxis (PrEP) para sa mga nasa mataas na panganib, at regular na HIV testing (WHO, 2023). Ang pagsasagawa ng ligtas na pakikipagtalik at pagiging responsable sa sariling kalusugan ay mahalagang hakbang sa pag-iwas sa sakit. At ayon naman sa UNAIDS (2019), ang mas maagang edukasyon tungkol sa HIV sa paaralan ay napatunayang nagpapababa ng risk ng HIV infection lalo na sa mga kabataan.
Ang maling paniniwala tungkol sa HIV ay nagdudulot ng takot at diskriminasyon. Huwag hayaang ang maling impormasyon ang humadlang sa tamang desisyon. Magpa-HIV test, magbahagi ng tamang kaalaman, at maging bahagi ng solusyon!
References
Department of Health. (2025, Enero 29). 47% of new HIV infections reported among youth — DOH. Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2025/1/29/47-of-new-hiv-infections
Joint United Nations Programme on HIV/AIDS. (2023). Global HIV & AIDS statistics — Fact sheet. https://www.unaids.org/en/resources/fact-sheet
Kaplan, J. (2024). HIV myths and facts. WebMD. https://www.webmd.com/hiv-aids/ss/slideshow-hiv-myths-facts
National Institutes of Health. (2023). HIV treatment: The basics. https://hivinfo.nih.gov/understanding-hiv/fact-sheets/hiv-treatment-basics
UNAIDS. (2019, Oktubre 21). PH is country with fastest growing HIV cases – UNAIDS. Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2019/10/21/ph-is-country-with-fastest-growing-hiv-cases-unaids/
World Health Organization. (2023). HIV/AIDS. https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/hiv-aids