
Kamakailan, idineklara ng Quezon City ang dengue outbreak matapos makapagtala ng 1,769 kaso at 10 pagkamatay mula Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2025, na halos 200% na pagtaas kumpara sa nakaraang taon (ABS-CBN News, 2025). Sa buong bansa, umabot sa 28,234 ang mga kaso ng dengue hanggang Pebrero 1, 2025, na 40% na pagtaas mula sa parehong panahon noong nakaraang taon (Cebu Daily News, 2025). Kung ikukumpara sa mga nakaraang taon, mas mabilis ang pagdami ng kaso ngayon. Kaya naman, mas pinaigting ng gobyerno ang kampanya laban sa dengue.
Upang mapigilan ang pagkalat ng dengue, ipinapayo ng Department of Health (DOH) ang 5S Strategy, isang epektibong pamamaraan upang labanan ang dengue (2023):

Search and Destroy: Ang mga lamok ay madalas mangitlog sa mga lumang gulong, paso ng halaman, baradong kanal, at hindi natatakpang lalagyan ng tubig — kaya siguraduhing malinis at walang naipon na tubig sa mga ito!

Self-Protection Measures: Gumamit ng insect repellent, magsuot ng mahahabang damit, at gumamit ng kulambo kapag natutulog. Tandaan din na hindi lang dapat pangsarili ang proteksyon. Mas mainam kung buong pamilya at komunidad ang susunod sa mga hakbang na ito para mas epektibong maiwasan ang dengue!

Seek Early Consultation: Kapag may lagnat nang higit sa dalawang araw, huwag ipagsawalang-bahala. Lalo na kung may pagsusuka, matinding pananakit ng tiyan, pagdurugo ng gilagid, o panghihina, baka malala na ito at kailangan nang agarang gamutin!

Support Fogging During Outbreaks: Makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para sa mosquito control programs tulad ng fogging at misting lalo na tuwing may outbreak. Tandaan, ang fogging ay pansamantalang lunas lang! Dapat sabayan ito ng regular na paglilinis at pagsusuot ng proteksyon upang siguradong mabawasan ang lamok.

Sustain Hydration: Uminom ng hindi bababa sa 2 litro ng tubig araw-araw. Kapag nakakaramdam ng panghihina, tuluy-tuloy na pagsusuka, o matinding pagkatuyo ng katawan, maaaring kailanganin nang magpa-IV sa ospital.
Ang dengue ay isang seryosong problema sa kalusugan na nangangailangan ng agarang aksyon. Tayong lahat ay may papel sa pagpigil sa dengue. Sa pamamagitan ng pagsunod sa 5S Strategy, maaaring mapababa ang bilang ng kaso at maprotektahan ang ating pamilya sa tahanan, sa paaralan, at mga opisina!
Sanggunian
ABS-CBN News. (2025). Quezon City dengue outbreak: 10 deaths, over 1,700 cases in 2 months. Retrieved from https://www.abs-cbn.com/news/health-science/2025/2/15/quezon-city-dengue-outbreak-10-deaths-over-1-700-cases-in-2-months-1703
Cebu Daily News. (2025). DOH reports 40% rise in dengue cases as of Feb. 1. Retrieved from https://cebudailynews.inquirer.net/623169/doh-reports-40-rise-in-dengue-cases-as-of-feb-1
Department of Health. (2023). Dengue Prevention and Control Program. Retrieved from www.doh.gov.ph
Quezon City Government. (2025). Quezon City declares outbreak amid rise of dengue cases. Retrieved from https://quezoncity.gov.ph/quezon-city-declares-outbreak-amid-rise-of-dengue-cases/