top of page

Making an Impact

Public·1 member

5 MALING PANINIWALA TUNGKOL SA INFLUENZA-LIKE ILLNESS

"Simpleng lagnat lang 'yan," o kaya naman ay "nadale lang ng hangin." Iyan ang kaliwa’t kanan na naririnig kapag may masama ang pakiramdam. Sa panahon ngayon, madaling ipagsawalang-bahala ang mga sintomas, lalo na kung mukha naman itong karaniwang trangkaso. Ngunit, ang Influenza-Like Illness (ILI) ay hindi dapat binabalewala. Maraming maling paniniwala o "sabi-sabi" ang kumakalat na imbes na makatulong ay maaari pang magpalala ng kondisyon. Bago maniwala sa mga kwentong kutsero, alamin muna natin ang katotohanan. Narito ang limang maling paniniwala tungkol sa ILI na dapat nating iwasan.

 

MYTH 1: “Mas mabilis gumaling ang flu o ang ILI pag uminom ng antibiotic.”

Hindi dapat umiinom ng antibiotic para sa ILI dahil ang mga karaniwang sanhi nito ay viral infection, samantalang ang antibiotic ay para lamang sa bacteria. Hindi  mapapabilis ng antibiotic ang iyong paggaling. Bukod dito, ang maling paggamit nito ay maaaring makadagdag sa antibiotic resistance. Ibig sabihin, ang bacteria (hindi ang katawan) ay nagiging mas matapang at hindi na tinatablan ng gamot, kaya mas mahirap nang gamutin ang mga impeksyon sa hinaharap (CDC, 2025).

 

MYTH 2: “Kung may lagnat, hindi puwede maligo.”

Hindi bawal maligo kung may lagnat, basta’t kaya ng katawan at hindi nanginginig sa ginaw. Sa katunayan, ang pagligo gamit ang maligamgam na tubig (lukewarm water) ay nakatutulong upang bumaba ang lagnat at ma-regulate ang body temperature. Nakababawas din ito ng discomfort para maging mas presko ang pakiramdam ng pasyente. Ang pagligo naman gamit ang malamig na tubig ay maaring magtrigger ng panginginig at pagtaas ng body temperature (Hooper, 2017).

 

MYTH 3: “Kapag uminom ng vitamins, hindi ka na makakahawa.”

Tandaan na ang vitamins ay supplement o suporta lamang sa katawan. Hindi ito antiviral drug. Bagama’t nakatutulong ito sa pagpapalakas ng resistensya, hindi nito direktang pinapatay ang virus o pinipigilan ang pagkalat ng impeksyon kapag nakapasok na ito sa sistema. Ang vitamins ay mainam na pang-depensa, ngunit hindi ito pang-lunas.

 

MYTH 4: “Puwedeng magkaroon ng flu kapag hindi mo agad pinatuyo ang mga basang buhok, damit, etc.”

Walang katotohanan ito. Ang paniniwalang ito ay katulad lamang ng lumang pamahiin na “kapag natulog nang basa ang buhok ay mabubulag.” Ang Flu at ILI ay dulot ng virus, at hindi ng tubig, lamig, o basang damit. Nagkakasakit ang tao dahil sa exposure sa virus mula sa ibang infected na tao, hindi dahil sa hindi pagpapatuyo ng katawan.

Gayunpaman, ang madalas o matagal na pagkabilad sa malamig na temperatura ay maaaring makapagpahina sa immune system na siyang nagreresulta sa mas mataas na posibilidad ng pagkakaroon ng mga impeksiyon sa pulmon. Ito ang posibleng paliwanag sa pinagbabatayan ng nasabing pamahiin.

 

MYTH 5: “Kung feeling mo magkakasakit ka, uminom ka ng gamot bago matuluyan”

Depende ito sa uri ng gamot. Kung nakararamdam ka na ng lagnat o sakit ng katawan, maaring uminom ng paracetamol upang maibsan ang sintomas. Gayunpaman, huwag na huwag iinom ng antibiotic nang walang reseta o bilang "pang-unahan." Ang Influenza-Like Illness (ILI) ay karaniwang dulot ng virus, kaya hindi ito tatalaban ng antibiotic na para lamang sa bacteria. Ang pag-inom ng antibiotic nang walang bacterial infection ay delikado at walang maitutulong.

Ang tamang kaalaman ang ating pinakamabisang sandata laban sa sakit. Huwag ipagsapalaran ang kalusugan sa mga pamahiin o "sabi-sabi" na walang basehan sa siyensya. Tandaan na ang Influenza-Like Illness ay karaniwang viral, kaya iba ang approach dito kumpara sa bacterial infections. Sa halip na mag-eksperimento o magself medicate, lalo na ng antibiotics, mas mainam na magpahinga, uminom ng maraming tubig, at kumunsulta agad sa doktor kung hindi gumaganda ang pakiramdam. Maging wais sa kalusugan; alamin ang totoo para iwas-komplikasyon.

 

References:

CDC. (2025). Treatment of Flu. Retrieved from: https://www.cdc.gov/flu/treatment/index.html#:~:text=Antiviral%20drugs%20can%20help%20treat,severe%20colon%20damage%20and%20death.

Hooper, M. (2017). How to Quickly Lower a High Fever Safely?. Retrieved from: https://frontlineer.com/quickly-lower-high-fever-safely/#:~:text=Taking%20A%20Warm%20Shower,further%20escalate%20your%20body%20temperature.

Huang, D., et al. (2022). "Cold exposure impairs extracellular vesicle swarm–mediated nasal antiviral immunity." The Journal of Allergy and Clinical Immunology. https://www.jacionline.org/article/S0091-6749(22)01423-3/fulltext

 



10 Views
bottom of page