Kung usapang malusog na tiyan at maayos na pagtunaw, palaging bida ang fiber. Ang fiber ay maaaring makuha mula sa kangkong, saba, mani, at iba pa. Ang mga simpleng sangkap na ito ay mayroong napakaraming benepisyo para sa ating kalusugan. Alamin natin kung bakit mahalagang isama ang fiber sa ating pinggan, upang ang buhay ay gumaan.
Ano ang ‘Fiber’ at bakit ito mahalaga?
Ang ‘Fiber’ ay isang uri ng carbohydrate na hindi natutunaw ng katawan. Makikita ito sa prutas, gulay, butil, at legumes. Kahit hindi natutunaw, napakalaking tulong ng fiber sa maayos na pagtakbo ng digestive system. May dalawang uri ito ang soluble fiber (oats, soybeans, saging, mansanas, atbp.) na natutunaw sa tubig at nagiging parang gel, na nakakatulong sa pagpapabagal ng pagtunaw, at insoluble fiber (whole grains, mani, brown rice, atbp.) na hindi natutunaw at nagbibigay ng “bulk” sa dumi, kaya mas madaling nailalabas (Gunnars, 2023).
Paano nakakatulong ang fiber sa ating gut health?

Narito ang mga pangunahing benepisyo ng fiber (Panlasigui, 2023):
Nagre-regulate ng bowel movements
Kung hirap kang dumumi, ang fiber ay nagbibigay ng bulk sa dumi at ginagawang mas madali ang paglabas nito.
Pinanatiling malinis ang gastrointestinal tract
Ang insoluble fiber ay panlinis ng bituka, tinatanggal nito ang dumi at toxin sa loob ng katawan.
Nakatutulong sa proseso ng detoxification
Ang fiber ay sumasama sa mga toxin at tinutulungan ang katawan na alisin ang mga ito.
Tumutulong sa malusog na digestive system
Sinusuportahan nito ang pag-cultivate ng good bacteria sa ating bituka na mahalaga para sa kabuuang kalusugan.
Nagre-regulate ng nutrient absorption
Sa mabagal na pagtunaw, mas steady ang pag-release ng mga nutrients tulad ng sugar at fat, na nakakatulong maiwasan ang biglaang pagdagdag ng timbang.
Nagma-maintain ng blood sugar levels
Pinapabagal ng soluble fiber ang pag-absorb ng sugar sa dugo, kaya nakakatulong ito sa mga may diabetes o gustong iwasan ang biglang pagtaas ng blood sugar levels.
Sa simpleng pagdagdag ng gulay sa sinigang o prutas sa meryenda, magagawa natin ang mga benepisyong ito.
Paano magdagdag ng fiber sa diet?
Hindi kailangang maging komplikado ang pagdagdag ng Fiber sa iyong pagkain. Subukan ang mga tips na ito (Batz, 2023):
Simulan sa umagahan: Kumain ng saba o kamote bilang meryenda.
Pumili ng whole grain: Maaari ring alternative sa white rice, o pasta ang pagkain ng whole grain options gaya ng tinapay.
Magdagdag ng beans: Magdagdag ng lentils, chickpeas, o black beans sa mga ulam.
Kumain ng makulay: Siguraduhing may prutas o gulay sa iyong kakainin.
Tandaan, hindi lamang pampadumi ang fiber, kundi ito rin ay mahalaga sa pangkalahatang kalusugan. Mula sa pag-regulate ng bowel movements hanggang sa tamang blood sugar levels, at pagtulong sa weight management, hindi matatawaran ang kahalagahan nito. Kaya sa susunod na maghahanda ka ng hapunan, huwag kalimutang isama ang bida: Fiber!
REFERENCES
Batz, D. (2023). Why fiber matters for your health. Franciscan Health. Retrieved from https://www.franciscanhealth.org/community/blog/why-fiber-matters-for-your-health
Gunnars, K. (2023). Why is fiber good for you? Healthline. Retrieved from https://www.healthline.com/nutrition/why-is-fiber-good-for-you
Panlasigui, L. (2023). Beyond ‘Bahay Kubo’: The wonders of dietary fiber. Nutrition Masterclass. Retrieved from https://www.nutritionmasterclass.com.ph/articles/beyond-bahay-kubo-wonders-dietary-fiber